Katahimikan ang namayani sa bulwagan matapos magsalita si Melissa San Miguel sa mikropono. Garalgal ang tinig ngexecutive director ng Salinlahi Alliance for Children’s Concerns at tila nagpipigil ng hikbi. Inanunsiyo niya, sa harap ng pambansang kumperensiya para sa karapatan at kagalingan ng mga bata, isang malagim na pamamaslang sa isang bata sa Tarlac ang naganap pa lamang.
Isang 15-anyos na bata ang namatay, matapos magpaputok ng baril ang mga pulis para idemolis ang mga maralita sa naturang probinsiya.
Nagluksa ang mga delegado ng nasabing kumperensiya. May ilan sa 300 delegado mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang naiyak pa. “Opisyal na itinatala ng Salinlahi ang ika-siyam na batang pinaslang sa ilalim ng administrasyong Aquino,” malungkot na wika ni San Miguel.
Ang kumperensiya’y inilunsad ng iba’t ibang grupong tagataguyod ng karapatan ng mga bata, sa pangunguna ng Salinlahi, Children’s Rehabilitation Center (CRC) at Gabriela. Inilunsad nila ito dahil mismo sa nakaka-alarmang padron ng pagkakabiktima ng mga bata sa iba’t-ibang proyekto’t patakaran ng gobyerno, kabilang na ang kampanyang kontra-insurhensiya na Oplan Bayanihan.
Nagluksa ang mga delegado sa balita ng pagpaslang kay John Cali Lagrimas sa Tarlac dahil pamilyar nang istorya sa kanila ito.
Kaibigan sa kubol
Nauna nang magsalita sa kumperensiya ang kinatawan ng iba’t ibang rehiyon hinggil sa mga kaso ng paglabag sa karapatan ng mga bata. Matapos ibalita ang naganap kay John Cali, isang 10-anyos na bata mula sa Hacienda Luisita, Tarlac, na si Jojie ang di nakatuloy sa pagtetestimonya. “Kaibigan ko siya, kasama ko siyang natutulog sa kubol,” kuwento ni Jojie.
Hindi umano taga-Luisita si John Cali, pero sumasama siya sa kanyang mga magulang na taga-Brgy. San Roque na sumuporta sa “bungkalan” ng mga magsasaka sa lupang inaangkin ng Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC). Sa bungkalang ito nakilala niya si Jojie.
Nasaksihan din ng dalawang bata ang tangkang pagbuwag noon sa mga kubol sa lugar ng bungkalan kung saan pinaputukan ng mga guwardiya ng RCBC ang mga magsasaka. Sa testimonya ni Jojie, sinabi niiyang hindi iyun ang unang pagkakataon na makasaksi siya ng karahasan. Apat na taon pa lang si Jojie nang masaksihan niya ang karahasan sa sarili niyang pamilya. “Noong bata pa ako, nasaksihan ko po kung paano binugbog ng mga tauhan ni Hen. Jovito Palparan ang aking papa. Nakita ko nung pinasubo nila ng silencerng baril si papa,” ayon sa testimonya ng bata.
Kuwento ni Jojie, hindi nila makakalimutan ni John Cali ang pananakot ng mga guwardiya ng RCBC. “Pinaputukan kami ng mga security guard ng RCBC nang limang beses. Takot na takot kami,” ani Jojie.
Bahagi ang paglabag ng mga karapatan nina Jojie at John Cali ng malawakang paglabag sa karapatang ng mga bata sa Pilipinas.
“Patuloy na pinapahirapan ang mga bata dahil sa patuloy na pagpapatupad ng gobyerno sa mga patakarang neo-liberal na nakapaloob sa programa at proyekto ni Pangulong Benigno Aquino III,” pahayag ng Salinlahi.
Patakarang neo-liberal
Sa panayam ng Pinoy Weekly, sinabi ni San Miguel na layunin ng kumperensiya na ipakita na hindi nagbago ang kalagayan ng mga bata sa loob ng 19 taon matapos iproklama ng United Nations ang buwan ng Oktubre bilang buwan ng mga bata.
“Hindi pa rin maganda ang kalagayan ng mga bata at nagpapatuloy ang paglabag sa kanilang mga karapatan,” aniya.
Nagsagawa ng pag-aaral ang Salinlahi hinggil sa epekto sa mga bata ng mga patakarang ipinapatupad ng gobyerno. Ayon dito, apektado ang 35.1 milyong bata sa 11.7 milyong Pilipino na walang trabaho. Dahil apektado umano ang mga bata sa kawalan o kakulangan ng trabaho ng kanilang mga magulang, napipilitan silang magtrabaho sa murang edad.
Kahit sa datos ng International Labor Organization (ILO) at National Statistics Office (NSO), nasa limang milyon ang mga batang manggagawa, kalakhan nito’y nasa sektor ng agrikultura.
Ayon sa Salinlahi, pinalala ng mga patakaran tulad ng liberalisasyon sa pangangalakal ang kalagayan ng mga bata. Sa pagpasok ng imported na mga produktong agrikultural partikular na ang galing sa bansang US, mistulang pinapatay nito ang lokal na agrikultura ng bansa.
Inihalimbawa ng grupo ang kalagayan ng mga manggagawang bukid sa malalaking plantasyon ng asukal sa Negros Occidental. Dahil sa walang habas na importasyon ng asukal, halos patayin na nito ang lokal na industriya. Dahil sa matinding kompetisyon, nagresulta ito ng pagpasok ng sistemang pakyawan sa mga manggagawang bukid sa mga asyenda.
“ The pakyawan or quota system in the hacienda has forced the whole families to work so as to meet the required number and get at least a wage suitable to feed them for the day. Conscious of this quota requirement, children want to help their parents in the hacienda so as to add income to their families,” bahagi ng research paper ng grupo.
Dagdag ni San Miguel, mayroon umanong mga batang hindi na nag-aaral at natali na lamang sa pagtulong sa kanilang mga magulang. “Ilan sa mga respondent (sa focused groud discussion sa Negros Occidental) ang tumigil na sa pag-aaral. Kadalasan, ang trabaho nila sa asyenda ng asukal ay panghilamon (pag-aalis ng damo), pamatdan (paghahanda sa tubong itatanim at pang-abono (paglalagay ng abono,” ani San Miguel.
Dagdag pa ni San Miguel, sa sistemang pakyawan, PhP100 hanggang PhP300 ang sinasahod ng buong pamilya sa 15 araw na pagtatrabaho sa panahon ng dry season. Samantala, PhP1,400 hanggang 2,500 naman sa 15 araw ng pagtatrabaho ang sinasahod nila kung milling season. Bukod pa rito, walang sapat na benepisyo sa mga manggagawang-bukid.
Dahil sa monopolisado ng iilang panginoong maylupa ang malalawak na lupain, naitutulak ang mga batang anak ng mga magsasaka na magtrabaho para makatulong sa pamilya. Hindi rin nakatulong ang programa ng gobyerno na “Batang Malaya Campaign” na inilunsad ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) nito lamang Hunyo para sugpuin daw ang child labor at tuluyang mapawi ito sa taong 2016. Para sa Salinlahi, pinapalakas lamang ng programa ang implementasyon ng Republic Act No. 9231, na nagpaparusa sa sinumang naglalagay sa mga bata sa paraang mapanganib na pagtatrabaho.
“Hindi nito kinikilala ang katotohanang napipilitan ang mga bata na magtrabaho para makapagbigay ng tulong sa araw-araw na pangangailan ng kanilang pamilya,” ayon sa grupo.
At dahil hindi sapat ang kinikita ng mga magulang, namemeligro ang kalusugan ng mga bata. Ayon sa grupo, sa loob ng isang dekada, walang makabuluhang pagbabago sa datos ng nutrisyon at kalusugan ng mga bata. Dagdag pa, hindi naaabot ng serbisyong pangkalusugan ng gobyerno ang mayorya ng mga bata sa kanayunan. Kahit ang simpleng mga sakit tulad ng tigdas ay ikinakamatay. “(Halimbawa nito ang) kaso sa Talaingod, Davao del Norte, kung saan ilang pamilya ang nawalan ng anak dahil sa tigdas,” pahayag ni San Miguel.
Kahit sa mauunlad na lugar tulad ng Quezon City, hindi pa rin abot-kaya ang serbisyong pangkalusgan ayon sa grupo. Isinisi ng grupo ang ganitong kalagayan sa mababang badyet na inilaan ng gobyerno para sa serbisyong kalusugan at ang patuloy na pagsasapribado ng pampublikong mga ospital na dulot ng neoliberal na patakaran sa sistema ng kulusugan.
Inihayag din ng grupo na mali ang implementasyon ng programang K to 12 ng administrasyong Aquino. Hindi naman umano nito lulutasin ang mababang kalidad ng edukasyon. Dagdag pa, dagdag-pasanin pa sa mga magulang ang gastos sa karagdagang taon sa pag-aaral. Gayundin na nakabalangkas ang programa sa interes ng dayuhang kapitalista para sa murang paggawa. Giit pa ng grupo na pantapal na solusyon lamang ang ibinibigay ng gobyerno sa nararanasang kahirapan ng mga bata tulad ngconditional cash transfer na nakapaloob sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
“Dahil sa pagsasapribado ng batayang mga serbisyo, ang mga pundamental na karapatan ng mga bata tulad ng edukasyon, kalusugan at pabahay ay hindi na nakakamit. Hindi na rin maabot ng mga magulang ang presyo ng batayang mga bilihin dahil sa deregulasyon. Lumalabas na hindi na kayang hatiin ang kita ng pamilyang Pilipino para sa makalagpas sa isang araw,” ani San Miguel.
Maliban pa dito, wala rin umanong katiyakan ang kinabukasan ng maraming bata dahil sa patuloy na malawakang tanggalan sa trabaho na bumibiktima sa mga manggagawa, idagdag pa ang marahas na pagtataboy sa mga maralita sa kanilang komunidad.
Karahasan sa bata
Sinabi din ng mga tagataguyod ng karapatang pambata na bukod sa malalang kahirapan na dinaranas ng mga batang Pilipino, nagiging biktima rin sila ng direktang atake ng mga puwersa ng estado sa pamamagitan ng programang kontra-insurhensiya.
“Bukod sa tama sa karapatang sosyo-ekonomiko, direktang inaatake rin ang karapatang mabuhay at seguridad ng mga bata sa ilalim ng Oplan Bayanihan,” ani San Miguel. Aniya pa, pinakamalala sa paglabag ang pagpaslang sa mga bata.
Nakapagtala ang Children’s Rehabilitation Center ng walong kaso ng ekstra-hudisyal na pamamaslang (bukod sa kaso ng batang pinaslang sa Tarlac), pitong kaso ang naganap sa taong ito. Dagdag pa, mayroong naitalang 18 bigong pagpatay, 17 ilegal na pag-aresto at pagkulong, limang kaso ng tortyur, at limang kaso ng paggamit ng militar sa mga bata bilang giya sa mga operasyon. Sampu naman ang kaso ng pag-atake sa mga eskuwelahan, 12 pagbabansag sa mga bata bilang batang mandirigma at apat na kaso ng panggagahasa at seksuwal na pang-aabuso ng mga militar.
“Nagpapakita ng kawalang malasakit ang pangulo sa buhay at kagalingan ng mga bata,” sabi pa ni Melissa.
Kalakhan sa mga batang biktima ang nasa kanayunan kung saan ang matinding militarisasyon ng Armed Forces of the Philippines. Ayon sa CRC, nagaganap ang militarisasyon mula sa mga probinsiya ng Luzon hanggang sa isla ng Mindanao, kasama ang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Nakapanayam ng Pinoy Weekly ang dalawang bata mula sa Magpet, North Cotabato na ginamit ng mga sundalo na giya para ituro ang puwesto ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA). Sa kuwento nina Kevin at Ben (di-tunay na pangalan), mula alas-11 ng umaga hanggang alas-tres ng hapon noong Setyembre 17, nasa kustodiya sila ng aabot sa 50 elemento ng 57th IB.
“Nakasalubong namin ang mga sundalo. Mga 50 sila. Sinigawan kami at pinipilit na ituro ang lugar ng mga NPA,” kuwento ni Kevin, sa wikang Cebuano. Galing sila sa bahay ng kanilang tiyahin at pauwi na sa kanilang bahay nang makasalubong ng dalawang bata ang mga sundalo sa kanilang lugar sa Brgy. Balete.
Sapilitan silang isinama sa operasyon at pinaglakad nang malayo patungo sa magubat na bahagi.
“Takot na takot ako, at napaiyak nang kunin kami ng mga sundalo,” sabi naman ni Ben. Kuwento ni Kevin na sa loob ng halos anim na oras, hindi sila pinakain, binantaang itatali sa puno kung hindi nila ituturo ang kinaroroonan ng mga NPA. Dahil sa takot na masaktan, nagsinungaling na lamang ang mga bata at itinuro ang isang lugar na kawayanan para mapalaya sila.
“Itinuro namin ’yung kawayanan, sabi namin nandoon mga NPA kahit hindi namin alam kung anong mayroon doon. Noong pupuntahan na nila ’yung itinuro namin, tumakbo na kami para tumakas sa kanila,” dagdag kuwento ni Kevin.
Sinabi ng tiyuhin ng mga bata na si Bebot Gumay, dumating ang mga bata na namumutla at takot na takot. “Kinuwento nila na hinuli sila ng mga sundalo at isinama sa operasyon sa gubat,” ani Gumay. Mula umano nang maganap ang insidente, takot na ang dalawang bata sa mga sundalo. Apektado na rin ang kanilang pag-aaral.
“Kapag may sundalo, nagtatago na lang sila sa loob ng bahay. Ayaw nilang lumabas, ayaw din pumasok sa eskuwela,” dagdag pa ni Gumay. “Takot kami baka hulihin uli kami sa eskuwelahan,” sabi naman ni Kevin.
Sa ulat ng CRC-Ilocos/Cordillera, namamalagi umano at ginagawang kampo ng mga elemento ng 503rd Infantry Batallion ng Army ang mga day care center, eskuwelahan at bahay ng mga sibilyan sa mga probinsiya ng Abra, Mountain Province, Ifugao at Kalinga sa Kordilyera. Ganito rin ang nangyari sa Sta. Lucia at Sta. Cruz sa Ilocos Sur sa ilalim naman ng 7th ID. Bulnerable rin ang mga bata sa abusong seksuwal, tulad ng nangyari sa dalawang menor-de-edad sa Mankayan, Benguet. “Kahit sa Sta. Cruz, Ilocos, namamalagi rin ang mga sundalo sa kabahayan. Nililigawan ng mga sundalo ang mga kabataang kababaihan,” ani Roda Tajon, tagapag-ugnay ng CRC-Ilocos.
Inakusahan pa ni Tajon na ginagawang daluyan ng programang kontra-insurhensiya ng militar ang mga eskuwelahan. Binabansagan din ang legal na mga organisasyon na “communist-terrorists.”
Ayon pa sa grupo, malawakan din ang ebakwasyon sa mga lugar na may matinding presensiya ang militar tulad sa Bondoc Peninsula sa Quezon at sa Mindanao.
“Habang nanatiling bingi at bulag ang gobyerno sa hibik ng mga bata, patuloy namang naninindigan ang mga organisasyong masa para tiyaking may kinabukasan ang mga bata,” ani San Miguel.
Naging pagkakataon din ang kumperensiya para iulat ang ilang debelopment sa pangangalaga sa mga bata. Iniulat ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa pamamagitan ng video ang pagsusumikap nilang itaguyod ang karapatan ng mga bata. Ibinahagi ni Coni Ledesma, miyembro ng NDFP Negotiating Panel ang isang deklarasyon ng rebolusyonaryong kilusan para sa kagalingan ng mga bata at pagbubuo isang tanggapan para rito.
Samantala, patuloy ang paglaban para sa karapatan at kagalingan ng mga bata. Sinabi ni Joji na tuloy ang pakikibaka kahit ng mga bata kasama ng kanilang pamilya.
“Kami pong mga bata sa Hacienda Luisita ay tumutulong para ipaglaban ang lupa ng mga magsasaka – ang mamanahin namin dahil kami ang susunod na henerasyon,” pagtatapos ni Joji.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=21492
No comments:
Post a Comment