During these times, schools serve as places of refuge. Yet, in one school, thousands of families are using candles in classrooms not because there is a power outage. The school has a limited budget so it is forced not to provide electricity to the evacuees. Although the classrooms are far from being flooded, the school has a limited number of toilets for the families. And even with obvious congestion, some of the classrooms are kept locked to keep the evacuees away. The families receive some food aid, canned goods and instant noodles. But there is no source of hot water. Outside the school, someone is selling glasses of hot water (for 4 pesos each). Others have found a way to make fire for their cooking - they are using broken chairs that they found inside the classrooms. Below is the story of Diosdado Macapagal Elementary School in Tatalon, Quezon City.
_________________________________________________________________
Naghihintay ng pag-asa sa Tatalon
Karimlan ang bumalot sa buong eskuwelahan ng Diosdado Macapagal Elementary School sa Brgy. Tatalon, Quezon City noong gabing iyon.
Aabot sa 2,000 pamilya ang nakasilong dito matapos lumubog sa baha ang kalakhan ng Tatalon. Walang kuryente sa eskuwelahan — na nakapagtataka dahil sa labas nito, maliwanag ang ilaw ng mga establisimyento. Pinatay ang kuryente sa Diosdado Macapagal; nagtitipid ang eskuwelahan dahil sa limitadong badyet.
Malakas pa ang ulan, at madilim pa, kung kaya kakaibang takot ang nararamdaman ng mga residente ng Tatalon na naka-evacuate dito. “Natatakot nang maglakad sa gabi ang mga matatanda,” sabi ni Nanay Mary Soriano, evacuee sa eskuwelahan at residente ng Tatalon. “Butas-butas na ang kalsada, at maraming matatandang nadadapa sa dilim.”
Ang tanging ilaw, mga kandila ng ilang residenteng nagpapahinga sa tabi at loob ng mga klasrum.
Ganito rin noong panahon ng bagyong Ondoy. Setyembre 2009, matapos ragasain ng Ondoy ang Kamaynilaan, pinuntahan din ng Pinoy Weekly ang Diosdado Macapagal Elementary School. Kagagaling lang doon ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo, na nanghakot ng mahigit 100 katao para ipakitang nagpapatuloy siya ng mga evacuee sa Malakanyang.
Tulad ng panahon ng bagyong Ondoy, mataas din ngayon ang baha sa Araneta Avenue, at lalo sa loob ng Tatalon. Noong Lunes, Agosto 7, nasa ikatlong palapag na si Nanay Mary at ang apat niyang maliliit na anak. Paakyat na rin sa ikatlong palapag ang baha.
“Parang limang beses ito kumpara sa lakas ng (bagyong) Ondoy (noong Setyembre 2009),” kuwento ni Nanay Mary. “Pabalik-balik kasi ang ulan. Noong (panahon ng) Ondoy, isang bagsakan ng ulan, tapos umaraw na. Ngayon, pabalik-balik.”
Buti na lang na-rescue sila ng rescue teams na may rubber boats at nakarating sa evacuation center sa Macapagal. Pero doon pa lamang nagsimula ang kanilang kalbaryo.
Lagay sa ebakwasyon
Madilim, siksikan, walang palikuran.
Sarado ang ilang klasrum, at ayaw ipagamit ng eskuwela. Parati namang may dumarating na relief goods, pero agawan ang mga tao. May tiket na binibigay ang barangay, pero pipila pa rin ang mga residente. Nasaksihan ng Pinoy Weekly ang magulong pilang ito, sa harap ng sasakyan na may malaking pangalan ni Quezon City Mayor Herbert Bautista. Pabagu-bago ang pila, at maraming nagsisingitan, makakuha lamang ng plastik ng relief goods.
“Marami naman laman, mga de-lata at noodles,” sabi ni Mang Lando, isang evacuee na nakasingit sa pila para kumuha ng relief goods. Ang problema, aniya, wala silang mapaglulutuan ng noodles.
Kailangan ng mainit na tubig. Sa labas ng eskuwelaha’y may mga tindahan na nagbebenta ng mainit na tubig: P4 kada baso. “Di pa puno (ang baso),” reklamo ni Nanay Mary.
Samantala, ang iba’y nakakadiskarte ng mga panggatong at nakakapagluto at saing. Pero mukhang mula na sa sira-sirang upuan ng mga mag-aaral sa eskuwelahan ang napanggagatong. Medyo desperado na sila.
Ang mainam, may progresibong mga organisasyon sa Tatalon. Mga miyembro ng Gabriela, halimbawa, ang nangunguna sa pangungulit sa barangay na ayusin ang pagpapapila tuwing namamahagi ng relief goods. Pana-panahong nakakapagdala rin sa kanila ng pagkain ang pambansang tanggapan ng Gabriela — at sinisiguro umano nilang maayos ang pamamahagi ng pagkain.
Pero gobyerno pa rin ang makakatugon sa kagyat na mga pangangailangan ng mga residente. Sa ngayon, maliban sa pana-panahong pagdating ng relief goods mula sa lokal na gobyerno, tanging ang nakabantay na mobile patrol car ng Philippine National Police sa labas ng eskuwelahan ang kumakatawan sa pamahalaan. Binabantayan nila ang mga evacuee: Bawal lumabas ng Diosdado Macapagal matapos ang hatinggabi.
Tatlong taon matapos ang pagsalanta ng bagyong Ondoy, muling tinangay ng baha ang kaunting naipundar na mga gamit ng mga residente ng Tatalon. Tatlong taon matapos ang Ondoy, naghihintay muli sila sa dilim — naghihintay sa darating na pansamantalang ayuda, pansamantalang pag-asa.
No comments:
Post a Comment